we will kiss the sun

Matapos ang ilang taon, pangangailangan ang pagkikita.

Para kay Hya

Panuto: Subukang basahin at unawain ang bawat pangungusap. Piliin at isulat ang titik ng tamang sagot.

1. (a) Pumunta ka sa Cubao ng alas syete.
(b) Bakit ka pumunta sa Cubao bago mag-alas syete?
(c) Bakit kailangang pumunta sa Cubao ng alas syete?

2. (a) Bakit tinatanong ang bakit?
(b) Bakit mahirap sagutin ang bakit?
(c) Bakit kailangan sagutin kung bakit mahirap sagutin ang bakit?

3. (a) Bakit paano?
(b) Paano tatanungin ang bakit?
(c) Bakit tatanungin ang paano?

4. (a) Wala palang pinapangarap na umaga ang mga pangako.
(b) Walang umagang maipapangako ang pangarap sa atin.
(c) Wala pang maipapangakong pangarap ang umaga sa atin.

Dalawang Pangungusap

Wala ka naman talagang pinanghahawakan kundi mga salitang hindi mo na mahahanap sapagkat nakasakay ka sa mabilis na jeep ngayon na nagbibigay sa iyo ng pansamantalang karapatang hindi tumapak sa lupa gamit ang iyong mga paa na pagod na mula pa kanina sa kalalakad at kahahanap ng mga maiintindihang mga nakakubling konsepto sa bituka ng siyudad na araw-araw mong marahang nilalanghap ang batok na bilad sa init ng araw o basa sa alimuom na para bang kasintahan mong matagal mo nang hindi nasilayan kung hagkan, at dahan-dahan mong hinihimas ang balat ng pang-araw-araw na kagandahan na hindi mo na rin napapansin dahil sa ang nakikita mo ay ang liwanag lamang na tumatama sa mga tao at bagay, hindi mismo ang mga tao at bagay na pinagod ng buong maghapon sa kawalan ng mapanghahawakan at pagod muli ngayong gabi habang nakadungaw ka sa bukas na pintuan sa harapan ng jeep.

“July Rain” ang sabi ng karatulang nangungusap na sumama ka muna pansamantala sa dilim na makapagbibigay-linaw sa ibig sabihin ng tunay na kaligayahan, sa saliw ng tunog ng bandang ito at sa mga katawang umiinit o nanlalamig, depende kung kanino tumatabi o tumitingin, kahit sa panandaliang panahon, kahit sa isang kislap lamang ng mga mata ng mga estrangherong makakausap at makakatitigan mo at makikilala mo nang bahagya, hindi sa malalim na paraan, alam mo na ito, dahil ang lalim ay hindi naaabot sa maikling sandali ng pagkilala sa gabing maulan, sa gabi na pinagpaubaya mo ang iyong katawan sa tangay ng umiilaw na karatulang nagsasabing Hulyo ngayon, maulan, gabi, at mag-isa ka kaya walang kang ibang maaaring piliin kundi ito at ito ang pinakanararapat mong gawin upang makalimutan mong hinahanap mo pa rin kung bakit kailangan at paano sasabihin sa buong kalawakan na oo, buhay tayo at ito ang ibig sabihin na maging buhay, o mga malalalim na mga kasabihan na makapagbibigay ng kahulugan sa pagkakataong ito sa buhay mo na wala kang mahawakan kundi ang mga parirala at maya-maya, malamang sa malamang ay wala na namang mga salitang darating, walang kalinawan at walang mga ideya na makapagpapaintindi sa iyo na hindi naman talaga pangmatagalang lunas ang malamig na Red Horse sa pag-iisa o paghahanap ng mga ideyang makapagtatawid sa iyo sa buhay na ito tungo sa susunod pang mga taon na walang kasiguraduhan at ikaw, bilang gabi naman ngayon at nakainom ka, titingin ka sa papaulang kalangitang walang maiaalay na buwan o mga tala at pipikit at ibubulong sa sarili, hindi sa kawalan dahil baka mapagkamalan ka pang “cool” at malalim mag-isip at mahilig mapag-isa sa dami ba naman ng pwedeng makasama at makilala at makahalikan at makausap sa pagkakataong ito, ibubulong sa loob ng isip lamang, na baka-sakali, kung susubukan mong mag-isip muli, at susubukan mo pang muli, nang mas matagal o nang mas maigi at nang mas matindi, baka mayroon ngang mga salitang dumating.

Maulan sa siyudad, yayakapin kita.

Kung ang siyudad ay isang tula, wala itong simula.
Kung ang ulan ay siyudad, wala itong kayakap.
Kung ang tula ay ang yakap mo, pikit-mata akong magsisimula.

Tahimik ang gabi sa siyudad, tatabihan kita sa iyong pag-upo.

Kung ang puso ay distansiya, wala itong mga salita.
Kung ang gabi ay puso, wala itong talata.
Kung ang distansiya ay ang mga talata, tutumbasan ko ng mga salita.

Umaga

Marahang isisilid ko sa maliit na kahon
ng posporo ang umagang
ito upang madala ko kahit
saanman o kailanman. Kasabay
ang liwanag na dumarampi
sa mga mata mo ngayon. Ako
na kinakausap mo sa oras na
ito ay iingatan ang kislap
sa loob ng maliit na kahon
ng posporo sa kaliwang bahagi
ng aking dibdib sa lahat-
lahat ng pagkakataon. Ipansisindi
ko ito ng kandila sa pinakamadilim
na silid, ipansisimula sa paggatong
sa pinakamalamig na gabi upang
makakita at makitang muli
ang mundo. Ang liwanag at pagliyab,
kinalaunan, ay hindi matatapos
at magiging abo dahil walang hangganang
alam ang apoy na sinindihan
ng umaga sa mga mata mo.

Pagkatapos, Sisimulang muli

Maingat kong hahalikan sa dulo
ng araw, marahan at buong gaan,
ang iyong noo. Sa kabila ng lahat:
ng haba ng paghihintay at bilis
ng oras, sa ilalim ng posteng
kakasindi pa lamang, tayo
ay tatayo. Pinapaalala mo
sa akin na sa muling paglubog
ng araw ay, sa kinabukasan, ang muling
pagsikat nito. At ang pagkakataong
mahalikan kang muli: sa pisngi
bago ang lahat, bago simulan
ang simula ng araw, bago
ang pagharap sa mga kailangan
ng paghaharap sa mga simula
ng mga iba pang araw. Ikaw
ang dahilan kung bakit nais
at laging nais kong magsimula
at magsimulang muli ang araw
pagkatapos ng lahat, pagkatapos
ng dulo sa mga dulo ng mga simulang
ikaw ang simula ng dahilan
kung bakit maingat ko lagi
at laging sinisimulan.

Ikaw na kinakausap ko

Sa mga mata mo hindi
ko na makikita ang ikaw
na may nakikitang ako
na may nakikitang hindi
na ikaw na may nakikitang ako
na hindi na ikaw ang nakikitang
nakakakita na hindi ko na
makikita ang ikaw na makikita.

Ikaw na bumubuo ng araw ko

Araw-araw kong sinisimulan
ang araw. Unti-unti kong
binubuo. Upang makarating
sa iyo, lagi akong nag-iisip
na buo akong haharap. Talaga
namang di mapapagod. Ako
na may hinahanap na
hinaharap: Haharapin ko
ang hinahanap. Ikaw lagi
ang simula ng araw ko. Ikaw,
oo, ang hinahanap. Ako na
unti-unting nagsisimula, ako
na palagiang ikaw ang iniisip, ako
na unti-unting bumubuo. Ikaw
ang bumubuo sa simula ko.

Hindi Ang Nakikita

isang ehersisyo sa pakikipag-usap sa nakikita

Pangalawa sa (hindi lahat-)lahat: kailangan mong hindi maniwala: marami akong kayang sabihin

bukod sa hindi (pa at kailangang) nakikita. Napaghiwalay ang tubig sa ideya ng ulan at dura at grasa sa kabuuang mukha ng kalsada; nabubuo ang liwanag at pinagagaan ang pawalang alimuom; ito (ay) ang (isang) hindi madaling araw; hindi ito ang Maynila;

ito ang Maynila sa tuwing mahirap ang araw. Kanina lamang ay tinitigan mo ang araw na nakadungaw sa masikip na kalagitnaan ng kalangitan.

Mamaya, kung sa pagtingala ay walang araw na sasalubong sa iyo, hindi mo tititigan ang espasyo, kundi ang kawalan, sa mga sukal ng iyong paghaharaya, ay iisipin mong may araw na hindi tumititig pabalik sa iyo. Alam mo ito:

ang pagpikit ay isa lamang sa maraming anyo ng kawalan ng pag-asa. Hindi mo rin makikita ang nakikita ko: ito, ang akong sumusubok magwika; ito, ikaw na hindi mahinuha ang sarili(ng pagkakahulog) na malayo sa piling ng lahat ng nakikita; ito, ang lungsod na di makayang punan ang mga uka sa pader sa gumuguhong puso mo. Kanina lamang

ay hindi ko nakita kung paano, sa kabila ng pili-pilipit na busina at ng kawalan ng pasahero, may isang magarang ateng naglabas ng touchscreen cellphone, nag-selfie, at bumulong

ng status nang para bang panalangin. Ito, pananampalataya. Sabay tayong hindi magtaka kung paanong nagkakasya ang gayong kalawak na pananaw

hindi sa (kawalan ng) pagitan ng dadalawang palad.

Hindi tayo magdadrama ngayong gabi

para kay Jit

Hindi ko ito nais simulan sa pamamaalam. Dahil una, alam kong sawa na tayo sa drama; pangalawa, matanda na tayo para sa drama; pangatlo, hindi yata bagay sa atin ang drama. Paumanhin kung madalas (anong madalas? lagi!) kong nakakalimutan ang mga ito. Ang sarap kasi magdrama. Lalo na kapag may alak. O kapag kulang sa alak. O kapag malamig ang gabi. O kapag gabi ng lamig. Ang ibig sabihin ko lang dito ay posibleng magdrama araw-araw o gabi-gabi. Kahit bawal. Kahit hindi malamig ang gabi. Kahit hindi gabi. Kahit hindi naman talaga dapat magdrama.

Ang gago ng tanong ko na “okay ka lang ba?” Eh gago. Pwede bang ang pagtanong ay isang marahang pagpapaalalang “hoy, alam kong hindi ito okay pero magiging okay rin ang lahat”? Posible bang ang kawalan ng masabi ay palatandaan ng kagustuhang maraming sabihin pero alam na hindi ito maipapaliwanag nang maayos sa kausap kaya hindi na lang sisimulan? Mahirap talaga minsan magsalita.

Gusto ko sanang mag-isip pa ng idurugtong sa linyang “Ibinulong sa akin ng gabi ang katahimikan.” Pero ayoko na. Baka sabihan mo pa ako ng “gago.”

Ngayon ko lang naisip: Matagal-tagal na rin kitang kilala pero hindi pa kita nakainuman. Gago. Paasa ka. Gusto ko sanang magtunog poetic, pero gago. Hindi pa ba talaga tayo uminom? Kahit isang beses? Kahit madalas mo ako dinadrunk-call? At ikaw ay madalas kong dinadrunk-call? Kahit madalas tayo magkadrunk-text? Seryoso ba talaga ito? Totoo? Hindi pa tayo naglasing 1) nang sabay 2) sa loob ng isang lugar 3) sa parehong panahon 4) sa iisang pagkakataon? Eh gago.

Narinig ko ang tawa mo ngayong gabi kahit na maraming kahit. Nakita ko rin ang ngiti mo kahit na maraming kahit. Nagsabihan tayo ng “gago.” May mga pangilan-ngilang bagay akong hindi na aaminin 1) muntik na akong maiyak sa bus 2) nanghinayang ako na hindi kita niyakap bago ako umalis.

Salamat sa stick ng yosi, salamat sa kape, salamat sa lugaw at sandwich, sa kwento, sa gabi. Masarap ang balut na tinda ni manong sa may sa inyo. Yayakapin kita sa susunod tayong magkita. Matulog ka na muna ngayong gabi. Hindi ko ito nais tapusin sa pamamaalam sa nanay mo.

Sinukat ko ang pagitan ng Maynila at Novaliches hindi sa kilometro, kundi sa kalungkutan.